YouTube Video Here: Lahaina Debris Removal: Clearing the Path for Recovery
LAHAINA, Maui – Kasunod ng mga wildfire sa Maui noong Ago. 8, 2023, isa sa mga pangunahing suliraning kinakaharap ng mga residente, may-ari ng negosyo, at ahensya ng pamahalaan ang paglilinis at pag-aalis ng mga labi sa panahon ng pagbangon.
Itinalaga ng FEMA sa Pulutong ng Mga Inhinyero ng Hukbo ng U.S. (U.S. Army Corp of Engineers, USACE) ang misyon para kumpletuhin ang pag-aalis ng mga labi sa mga residensyal at komersyal na lugar para sa sakunang ito.
Pagsapit ng Ago. 2024, naalis na ang mga labi at abo sa lahat ng 1,390 residensyal na ari-arian. At noong Set. 2024, nailipat na ang mga ari-arian sa County ng Maui pagkatapos makumpleto ang mga hakbang sa pag-sample ng lupa at pagkontrol ng pagguho. Dahil sa tagumpay na ito, nakapag-apply na ang mga miyembro ng komunidad para sa mga permit sa pagpapatayo at nakapagsimula nang magpatayo muli. Kasunod ng anim na buwang proseso ng pagpapatayo, lumipat na ang unang pamilya sa bago nilang tahanan sa Lahaina sa oras lang ng Thanksgiving.
Nasa pag-aalis ng mga labi sa mga komersyal na lugar na ngayon ang tuon. Sa kasalukuyan, lahat maliban sa walong komersyal na ari-arian sa Lahaina ay nalinis at nakumpleto na. Tinatantyang makukumpleto ang lahat ng komersyal na ari-arian pagsapit ng unang bahagi ng 2025.
Sa pagtatapos ng pag-aalis ng mga labi, mas maraming bahagi ng bayan na ang nagbubukas sa mga residente ng Lahaina at mas kaunti na ang mga trak na nagdadala ng mga labi sa sityo ng Pansamantalang Imbakan ng mga Labi sa Olowalu, West Maui. Kapag may magagamit nang permanenteng sityo ng imbakan ng mga labi, pamamahalaan ng FEMA ang paglilipat ng mga labi at ibabalik nito ang pansamantalang sityo sa orihinal nitong kundisyon.
Sa kabuuan ng proseso ng pag-aalis ng mga labi, binigyan ng espesyal na pagsasaalang-alang ang natatanging kultural na konteksto sa Hawaiʻi.
“Higit na mahalaga sa lahat ang kultura sa Hawaiʻi kaya hindi namin ito binalewala noong binubuo namin ang aming plano para sa mga labi,” ayon kay Joseph Grunditz, Pinuno ng Task Force sa mga Labi ng FEMA (FEMA Debris Task Force Lead).
Tumanggap ng pagsasanay sa kultura ang mga kawani ng FEMA at USACE at palaging isinasaalang-alang ang kultura sa mga sityo para maprotektahan ang kultural na pamana ng Hawaiʻi at igalang ang mga Native Hawaiian na tradisyon. Nag-hire ng mga Native Hawaiian at nakabase sa Maui na tagapayong pangkultura para pamunuan ang pagsisikap na ito.
Binigyan din ng espesyal na pag-iingat ang mga makasaysayang ari-arian. Isang nakatalagang pangkat ng USACE ang sumuri sa bawat makasaysayang landmark na istruktura. Isang halimbawa ng naturang istruktura ang Hawaiian Kingdom Courthose na sinuri at kukumpunihin. Ang USACE, na nagsisilbing tagapamahala ng proyekto, ay nag-subcontract sa 95% ng trabaho sa mga lokal na kumpanya ng konstruksyon, na sumusuporta sa lokal na ekonomiya.
Sa pangkalahatan, 29 ang natukoy ng USACE na ari-ariang makasaysayan at makabuluhan sa kultura na nangangailangan ng mga dagdag na hakbang para mapangalagaan ang mga gusali. Anim sa mga ari-ariang iyon ang napili para sa pamamaraang tinatawag na pag-shore at pag-brace na magbibigay-daan sa pangangalaga sa mga natitirang shell para sa restorasyon. Apat sa anim na natukoy na ari-arian ang naalisan na ng mga labi at nakumpleto.
Sa pagpapatuloy ng misyon, nananatiling nakatuon ang FEMA at USACE sa lokal na komunidad at nasasabik sa hinaharap ng Maui.
“Nasasabik akong makita kung paano muling itatayo ng komunidad ang napakagandang bayan na ito,” sabi ni Joseph Grunditz, Pinuno ng Task Force sa mga Labi ng FEMA.
Para sa pinakabagong impormasyon sa pagsisikap sa pagbawi mula sa wildfire sa Maui, bisitahin ang mauicounty.gov, mauirecovers.org, fema.gov/disaster/4724 at Hawaii Wildfires - YouTube. Sundan ang Ahensya sa Pamamahala ng Emerhensiya (FEMA) sa social media: @FEMARegion9 at facebook.com/fema. Maaari ka ring makakuha ng impormasyon sa tulong sa kalamidad at mag-download ng mga aplikasyon sa sba.gov/hawaii-wildfires.