Walong Tip para I-apela ang Liham ng Pagpapasya ng FEMA

Release Date:
Enero 24, 2023

Walong Makakatulong na Tip para I-apela ang Desisyon ng FEMA

Narito ang ilang payo na makakatulong sa pagsulat ng isang matagumpay na liham ng apela:

Tip 1: Alamin ang iyong deadline

Mayroon kang 60 araw mula sa petsa ng iyong liham ng pagpapasya ng FEMA para magsumite ng apela. Bilugan ang deadline sa iyong kalendaryo o itala mo mismo ito at ipaskil sa iyong refrigerator o console ng iyong sasakyan. Sa oras na mapag-aralan ng FEMA ang iyong apela, maaari kang makatanggap ng tawag sa telepono o follow-up na liham para sa higit pang impormasyon.

Tip 2: Unawain kung bakit napagpasyahan ng FEMA na hindi ka karapat-dapat bago isulat ang iyong apela

Maaaring hindi ka sumang-ayon dito, ngunit suriin kung bakit nagpasya ang FEMA na hindi ka karapat-dapat. Kadalasan, may isang bagay na kasing-simple lang ng kulang na dokumento o impormasyon. Basahin ang liham ng FEMA mula sa simula hanggang sa katapusan at tingnan kung ano ang kailangan ng FEMA mula sa iyo.

Tip 3: Isama ang lahat ng dokumento para suportahan ang iyong apela

Maaaring hindi sapat ang liham ng apela lamang para muling mapasuri sa FEMA ang desisyon nito. Isaalang-alang ang pagsasama ng dokumentasyong susuporta sa iyong dahilan ng pag-apela. Mahalagang ibigay ang anumang mga dokumentong hiniling ng FEMA. Maaaring kabilang sa mga halimbawa ang:

  • Mga dokumento mula sa iyong kumpanya ng insurance na nagpapakita na hindi sapat ang saklaw ng iyong polisa at/o kasunduan para gumawa ng mahahalagang pagkukumpuni sa bahay, magbigay ng lugar na matutuluyan, o palitan ang ilang kagamitan. Hindi maaaring magbigay ang FEMA ng mga benepisyo sa mga may-ari ng tirahan o nangungupahan na nakatanggap na ng mga parehong benepisyo mula sa insurance carrier.
  • Katibayan ng pag-okupa: Kopya ng mga singil sa utilidad, lisensya sa pagmamaneho o lease na nagpapakita na ang nasirang tirahan o inuupahang ari-arian ay pangunahin mong tirahan bago sumalanta ang mga Bagyong Ian o Nicole.
  • Katibayan ng pagmamay-ari: mga dokumento ng mortgage o insurance, resibo ng buwis o deed. Kung nawala o nasira ang iyong mga dokumento, bisitahin ang usa.gov/replace-vital-documents para sa impormasyon tungkol sa kung paano palitan ang mga ito.

Tip 4: Isama ang numero ng iyong aplikasyon para sa tulong sa sakuna sa FEMA sa bawat pahina ng mga dokumentong ipapadala kasama ang iyong apela

Mangyaring isulat ang numero ng sakuna at ang numero ng iyong aplikasyon sa FEMA, at numero ng pahina sa bawat pahina ng iyong liham ng apela sa FEMA at anumang mga dokumentong isinumite. Tumatanggap ang FEMA ng maraming dokumento sa bawat apela; ang pagsusulat ng numero ng iyong aplikasyon sa bawat pahina ay nakakatulong sa pag-organisa ng iyong kaso.

Tip 5: Hindi ka mismo makasulat ng apela? Awtorisahan ang isang taong sumulat para sa iyo

Kung hindi ka mismo makakasulat ng liham ng apela, ipasulat ito sa iba para sa iyo. Ito ay maaaring kasambahay, kaibigan o isang abogado. Kakailanganin mong magbigay sa FEMA ng nakasulat na pahayag na ang sumulat ang inawtorisahang umapela sa ngalan mo.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa proseso ng apela ng FEMA o tungkol sa pag-aawtorisa ng ikatlong partido na kumilos sa ngalan mo, tawagan ang FEMA Helpline sa 800-621-3362. Bukas ang linya araw-araw mula 7 a.m. hanggang 11 p.m. ET. Makukuha ang tulong sa karamihan ng mga wika. Kung gumagamit ka ng serbisyo ng relay, tulad ng video relay (video relay service, VRS), teleponong may caption, o iba pang serbisyo, ibigay sa FEMA ang numero para sa serbisyong iyon.

Tip 6: Ipadala o i-fax ang nilagdaan mong liham ng apela

Ipadala o i-fax ang iyong apela sa loob ng 60 araw mula sa petsa ng iyong liham ng pagpapasya ng FEMA:

  • Address na pangkoreo: FEMA, P.O. Box 10055, Hyattsville, MD 20782-8055
  • Numero ng fax: 800-827-8112, Attention: FEMA

Tip 7: I-upload ang iyong liham ng apela at mga sumusuportang dokumento sa iyong online na personal account sa FEMA

Para mag-set up ng online account sa FEMA o para mag-upload ng mga dokumento online, bisitahin ang DisasterAssistance.gov at i-click ang "Check Your Status" ("Alamin ang Iyong Status"). Sundan ang mga sumusunod na prompt.

Tip 8: Asahan ang desisyon sa loob ng 90 araw

Naisumite mo ang nilagdaang liham ng apela at isinama ang katangi-tangi mong numero ng aplikasyon sa bawat ipinadalang dokumento. Ano ang susunod? Posibleng isang tawag o liham mula sa FEMA na humihingi ng karagdagang impormasyon. Maaari ring magpasya ang FEMA na kuwalipikado ka para sa isa pang inspeksyon sa tirahan. O maaaring matanggap mo lamang ang desisyon sa FEMA sa loob ng 90 araw mula ng matanggap ng FEMA ang iyong apela.

Para sa pinakabagong impormasyon tungkol sa pagbangon ng Florida sa mga Bagyong Ian at Nicole, bisitahin ang floridadisaster.org/info, fema.gov/disaster/4673 at  fema.gov/disaster/4680. Sundan sa FEMA Rehiyon 4 (@femaregion4) / Twitter at sa facebook.com/fema.

Tags:
Huling na-update